Ube Book

Image

Isinulat ko ito bilang entry para sa pakontes ng yahoogroup na sinalihan ko. Kinailangan naming gumawa ng ending para sa Mga Kaibigan ni Mama Susan.

January 03, 2011

11:05PM

Nauuso ang Deathnote sa paaralan namin. Kinailangan kong bumili para hinde ako ma-out of place at pagtawanan na naman ng mga kaklase ko. Mapapahiya na naman ako sa Divalicious Sirens pag wala akong mapakitang journal. Kung bakit naman kasi ipinagpilitan pa ako ni Mudra na mag-aral sa isang prestihiyosong paaralan. Ayan kailangan ko tuloy na makipagsabayan.

“Nothing but the best for my precious daughter Erika” pa ang linya niya. Eh wala na nga kaming pera tapos sa isang mamahaling school pa ako nag-aaral. Ayos lang naman sana kung may gagastusin kaming pera. Eh kaso nalugi naman si Mudra sa negosyo. Minalas sa pag-ibig. Sabi naman kasi sa kanyang pera lang ang habol nung mga young lovers nya eh. Pero, hinde na rin siguro ako magrereklamo, tutal nakakaraos pa naman kami eh. At saka, baka hinde ko rin kayanin na mag-aral sa isang public school, sanay na ako sa mga private institutions. Eto na yung kinalakhan at nakasanayan ko. Mahirap nang baguhin. “You can’t teach old dogs new trick”, ika nga.

Anyway, dahil may journal na ako na kulay ube at mukhang sosyal dahil may sulat-sulat pa na Latin sa harapan at may batang nakasilip sa likod, hinde na siguro ako tutuyain na “sour loser” nina Diva. At mukhang mas bongga pa ‘tong Deathnote ko kesa sa kanila, may mga naunang entries na. Parang ipinasang Deathnote talaga ni Kira. At ang swerte ko na nabili ko ito sa murang halaga. 150php. Eh yung sa kanila ang dinig ko, hinde bababa ng 300php ang journal. Ngunit, subalit, datapwa’t bukas ko na babasahin ang nakasulat dito. Inaantok na ako.

 

January 04, 2011

04:49AM

May napanaginipan akong lalaki. First time kong nanaginip ng isang hinde kakilala. Hinde siya masyadong katangkaran. Pero hinde naman bansot. Parang patpatin din siya at medyo maputi. Kaedad ko lang din ‘ata. Pero inpeyrness, may itsura siya. Pwede nang boyfriend. May hawak-hawak siyang notebook. Parang may isinusulat pa nga eh nang may biglang tumawag sa kanya. Hinde ko masyadong naintindihan kung ano yung itinawag sa kanya. “Ga..” lang yung naintidihan ko eh. Hmm.. taga-saan kaya siya? Anyway, parang naririnig ko na si Mudra sa baba, mamaya na lang ulit ako magsusulat. Tutulungan ko muna si Mudra.

 

03:00PM

Asar naman ‘tong Theology teacher namin na si Sir Val. Kakaantok magdiscuss. Last year pa kaya siya boring kung magturo. Napakamanhid naman ata at hinde niya napapansin na wala ng nakikinig sa kanya. Hinde man lang gumawa ng New Year’s resolution na iibahin niya ang teaching style niya. Naku!

Ay, kanina nga palang break nagkasabay kami nina Diva sa cafeteria. Naintriga siya dito sa ube journal ko. Marunong rin palang ma-curious. Haha. Pinakibagayan ako ng maayos para makita ‘tong journal. Walkout ang show ko. Minsan lang naman kung makaganti ako sa mga panlalait nila sa akin. Hmf! Maumpisahan na nga lang basahin ang nakasulat dito sa journal…

 

11:30PM

Masaya palang magbasa ng entries ng ibang tao. Parang nakakapasok ka sa mundo nila. Sino kaya ‘tong si Gilberto J. Manansala? Parang ang masalimuot naman ng buhay niya. Amards din tulad ng life ko. Pero, antagal na rin pala nitong mga entries niya. Isang dekada mahigit na rin ang lumipas ng gawin niya ito. Buti in good condition pa ng makita ko sa isang garage sale.

Nakakatawa yung itsura kanina ng mga Divalicious ng sabihin kong sa Italy pa ito nanggaling. Parang gusto niyang humanga na parang maaasar siya dahil nalamangan ko siya dahil alam naman ng buong klase na sa SM niya lang nabili yung kanya. Hahaha. Malay ba nila na hinde naman talaga sa Italy ‘to nanggaling, eh yung mga nakasulat na Latin sa harap lang naman ang nakita nila. Hahaha.

 

January 10, 2011

07:32PM

Ilang araw din akong hinde nakapagsulat. Sooobrang busy sa school. Tumulong pa ako sa mga paninda ni Mudra. Wala naman kaming maaasahan sa ama kong salawahan. Sa dami ng anak niya sa kinakasama niya ngayon; hinde na ako aasa na may sustento pa siyang maipapadala maski sa akin man lang.

Ilang araw ko na ring napapanaginipan yung lalaking napanaginipan ko nung January 04. Ewan kung dahil ba sa pagbabasa ko sa journal ni Galo o ano, pero parang Galo yung narinig kong pangalan nung lalaki nang tawagin na naman siya sa panaginip ko. Ang nakapagtataka lang, bakit parang unti-unti siyang umiitim sa panaginip. Para siyang tumatanda at unti-unti ring kumukulubot at nagiging parang tuyot at matigas ang balat niya. Hinde na tuloy siya boyfriend material.

 

January 11, 2011

09:28AM

Bagsak na naman ako sa math quiz kani-kanina. Pinahiya pa ko ng teroristang teacher naming si Ma’am Bruhilda dahil bumagsak ako. “Erika Purita Campos, kung may panahon ka sa pagsali-Sali sa Drama Club nitong school, bakit hinde mo bigyan ng panahong pag-aralan ang Math. At ng hinde ka laging bumabagsak sa mga quizzes ko. Abah! Mahiya ka naman. Nasa star section ka tapos babagsak ka sa Math.” Umaalingawngaw pa rin yan sa utak ko. Bad trip siya, isang beses pa lang ako bumagsak sa quiz niya pero kung makapanlait akala mo buong buhay kong ibinagsak ang Math.

Dagdagan mo pa ng pangungutya ng mga classmate ko sa middle name ko. Tawagin daw ba akong “Poor Erika”, “Erika Purita walang pera”, “Purita Mirasol”. Arghh! Mga bwisit sila! Kung bakit naman kasi kailangang may Math subject pa. Ang ogobsh ko pa naman sa Math. I’m soo bano you know pagdating sa numero. Asar! Mabuti pang tapusin ko na lang ‘tong pagbabasa sa masalimuot ngunit makulay na buhay ni Galo. Ilang pahina na lang at tapos na ako.

 

10:12PM

Bad trip naman pala yung napagbilhan ko nitong journal. Eh may punit naman yung notebook. At mukhang yung last entry pa talag ni Galo yung napunit. Nabitin tuloy ako sa pagbabasa. Naman!

 

January 12, 2011

01:13AM

Hinde ako matatakutin na tao. Kinakain ko ang mga horror movies at horror books. Wala akong pinapalampas. The Ring, The Eye, The Phone, One Missed Call, Shake Rattle and Roll, Feng Shui, Pasiyam, Pet Sematary, Shutter, Edgar Allan Poe, Stephen King, atbp..lahat yan pinagbibigyan ko. Kaibigan ko si Sadako. Kabungguang siko ko si Manilyn Reynes. Hinde nila ako matatakot. Nakakatulog pa rin ako ng mahimbing pagkatapos kong manood o magbasa ng horror.

Pero, nagising ako ngayon na pinagpapawisan ng malamig at habol ang hininga. May impit pang tili na kamuntik makawala sa bibig ko. Ang sama ng panaginip ko. Si Galo. Ang itim-itim na niya. Kamuntik ko na nga siyang hinde makilala. Ang pangit na ng itsura niya. Kahit si Belo o Calayan walang magagawang tulong para mabalik sa dati si Galo. Oo, Galo rin talaga ang pangalan niya. Maliwanag ko ng narinig ang pangalan niya. Humihingi siya ng tulong. May humahabol sa kanyang matandang babae na matinis ang tinig. Hinde nga angkop ang tinig sa itsura. Parang..parang.. basta.. ayoko ng matulog ulit! Ayokong makita ulit si Galo at yung matandang babaeng nakasuot ng kulay ube na damit.

 

January 19, 2011

06:35PM

Ilang gabi na akong hinde makatulog ng maayos simula ng mapaniginipan ko si Galo at yung matandang babae. Kapag natutulog ako bago sumapit ang 12MN napapanigipan ko sila. At paulit-ulit lang yung panaginip. Humihingi ng tulong si Galo. Hinahabol naman siya nung matandang babae. Ewan ko kung bakit pero takot na takot ako dun sa matandang babae. Kinakailangan ko na tuloy ngayon na hintaying mag 1AM bago matulog. Hinde na ako nakakagising ng maaga para matulungan si Mudra. Buti na lang at hinde siya nagrereklamo. Maswerte pa rin ako sa Mudra ko na prinsesa ako kung ituring.

 

09:22PM

Napag-isip-isip ko, parang ang napapanaginipang kong Galo eh yung Galo dito sa journal. Kung gagamitan ko ng lohika, baka masyado lang wild ang imagination ko kaya napapanaginipan ko siya at yung matandang babae. Pero, kung may sa paranormal ito, ayoko na talagang matulog. Hinde na talaga nakakatuwa na lagi ko silang napapanaginipan at mukhang buong panaginip ko sa kanila nalang nagrerevolve at mas weird na ngayon dahil pati ako tinatawag na nung matandang babae. Hinahabol na rin niya ako.

 

January 22, 2011

06:12AM

Sinubukan kong iwala ‘tong journal. Iniwan ko kahapon sa park. Paggising ko kanina, nasa night table ko na. Ang weird talaga. Sabi ni Mudra may nagsauli daw kaninang matandang babae habang nagwawalis siya sa tapat. Dahil nga naman familiar si Mudra dito, kinuha na rin niya at di rin na nagtaka kung bakit napunta dun sa matanda. Sabi niya, iba daw yung pakiramdam niya dun sa matanda. HInde kaya minumulto na talaga ako at may sa masamang espiritu ‘tong journal. Di ko rin alam kung bakit sulat ng sulat pa rin ako ng entry dito. Oo, nakakaramdam na ako ng ibang kaba at takot.

 

January 24, 2011

05:19AM

Kahit matulog na ako ngayon ng lagpas 12MN napapanaginipan ko pa rin sina Galo. Apat na kami ngayon na hinahabol ng matanda at nung mga kampon niya. Oo, may kampon siya, alam ko yun. Laht sila nakasuot ng kulay ube na damit. Kakulay ng journal ni Galo na journal ko na ngayon. May kasama na kaming dalawang bata. Isang lalaki na mukhang mas matanda ng ilang taon sa batang babae. Halata rin sa kanila na takot na takot din sila. Nangingitim na rin sila. Malapit na silang maging kakulay ni Galo. Ako na lang ang natatanging normal pa ang kulay. Diyos ko po, ano ba itong napasukan ko.

 

Tu! Mecum veni! Modo paululus.

 

January 31, 2011

10:14PM

Pitong araw na akong maysakit. Nilalagnat, inuubo at sinisipon. Masakit ang lahat ng bahagi ng katawan ko. Lahat. Nag-aalala na ng katakot-takot si Mudra. Pinatingnan na rin niya ako sa doktor. May binigay na gamut ngunit walang epekto sa akin. Wala ring kaming perang pampa-ospital sa akin.

Pinipilit ko lang talagang magsulat dahil may nalaman ako sa panaginip ko. Panalangin pala yung hinihinging tulong ni Galo. Yun din ang hihingin ko sa’yo ngayon. Ipanalangin mo ako. Nararamdaman kong malapit na ang katapusan. Parehong katapusan na nangyari kay Galo at sa mga bata. Naririnig ko ang nakakapanindig balahibo na pag-awit ng mga kaibigan ni..ni.. Mama.. hinde ko masabi ang pangalan niya.. natatakot akong bigkasin yun.. Na para bang pag sinambit ko na ang pangalan eh yun na rin ang huling mitya ng buhay ko.

Oo, nalaman ko rin ang pangalan niya sa pamamagitan ng panaginip ko. Kaya ipanalangin mo ang kaluluwa ko. Ayokong habambuhay na tumakbo sa panaginip tulad ni Galo sa pag-asam na may taong ipagdarasal ang kaluluwa ko. Alam ko na rin kung ano ang nakasulat sa nawawalang pahina. Oo, nararamdaman ko na sila. Hinihila nila ang buhay ko. Ewan ko rin kung paanong may nakasulat sa huling entry ko bago ko sinulat ‘to.. Parang pinanghihinaan na ako. Parang may pilit humihila sa bolpe –

 

 

Makalipas ang isang linggo…

“Diva, ang weird naman ng mga nakasulat dito sa journal ni Erika. Parang pinunit pa talaga yung last entry niya. Talaga bang kukunin mo ‘tong journal niya? Alam kong bigla lang nawala yung mag-ina sa tinitirhan nila. Hinde ka ba nagtataka panong napunta ‘to sa bag mo?”, nagtatakang tanong ni Riva.

Pinagtawanan lang ni Diva ang tinuran ni Riva bago ito sumagot. “Finders keepers Riva. I found it in my bag. It’s mine now.”

Hinde rin alam ni Diva kung bakit pero parang may kung anong kapangyarihan ang pumipigil sa kanya na itapon ang journal. May kung anung batobalaning nanghihikayat sa kanya na itago ang notebook ni Erika. Luma na rin kung tignan ang notebook ngunit manghang-mangha siya dito. Itatago na niya ang journal ng may mahagip ang mata niya… “Akin ang nagsusulat nito. Akin ang nagbabasa nito. Akin ang may hawak nito… “

 

Vos es mei.Non mihi vultus hic fijamente.

 

 

Advertisements

2 thoughts on “Ube Book

    • iba yung nanalo. nakalimutan ko sino. pero, ayun nga, sabi ng mods, nahulog pa rin kasi na may bias kasi nga poll yung basehan. eh pag ganoon, mas marami kang kakilala, mas marami kang boto. pero, awkie lang din naman kahit di ako nanalo. at least i tried. hihi.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s